Loading...

Tuesday, February 8, 2011

Adhesion

Lunes na naman, Kasasaysayan na naman. Nandyan na naman si Bb. Cordero na pinaglumaan na ng panahon ngunit nananatili pa ring loner, este single pala. Mahilig siyang magpa-recite sa kung sinuman ang matripan niya—pwede kang matawag anumang minuto lalo na kung hilig mong makipagtitigan sa kanya. Ang masama nito, kapag hindi ka nakasagot, 65 agad. Mabait naman siya kung tutuusin dahil lagi niyang sinasabi na kahit mali pa yung sagot mo, bibigyan ka pa rin niya ng pasadong marka basta magpakita ka ng interes sa leksyon. Pero kung tutuusin, nababawi naman yang gradong yan dahil napapahiya ka sa klase, napagtatawanan, inaasarat sinasabihang tanga.

Ngayong araw, nakatakdang talakayin ng klase ang panahon ng pag-ukopa ng mga Hapon sa Pilipinas. Habang ang mga taong walang ginagawa sa buhay ay nagpipista sa siesta, narito kami pinag-uusapan ang mga sakang. Kailanman ay hindi ako naging interesado sa subject na Kasaysayan. Ewan ko ba, kung pwede sana ay Science na lang. Hindi naman sa natatakot akong mag-recite pero ewan, boring lang talaga siguro si Ms. Cordero. Idagdag mo pa ang init sa klasrum naming pinagdamutan ng bintana. Wala na ngang electric fan, wala pang maayos na bintana. Maswerte na nga ako dahil natapat sa akin ang kaisa-isang bintana na pinanggagalingan ng hangin, mabantot na hangin nga lang.

Trenta minutos na ding dumadaldal si Ms. Cordero at ako, kinakausap ang sarili. Wala akong naiintindihan sa leksyon at parang panahon na din para sa recitation, huwag naman sana dahil ayaw kong mapahiya ngayon. Kaya ang tanging paraan para di mapagdiskitahan, titingin na lang ako sa labas mula sa bintana.

Maliit lang ang bintana. Matatanaw mula dito ang mga bahay-bahayang pinagtagpi-tagpi. Malapit lang sila sa amin, isang ilog ng basura lang ang pagitan. Matagal na ring reklamo ng prinsipal namin kay Mayor ang “unhealthy environment for an academic setting.” Ilang ulit na silang pinapangakuang ililipat sila sa mas maayos na lugar...pero nandiyan pa rin sila.

Habang nakatingin sa mga kabahayan, umagaw ng aking atensyon ang bahay na may maliit na bintanang nakabukas. Hindi ko nga alam kung maliit na bintana ba yun o isa lamang malaking butas. May naaaninag akong dalawang bagay. Hindi ko nga lang matiyak kung ano sila. Patag yung isa at tila may butas habang ang isa ay pahabang bagay na ginagamit ata panungkit sa butas. Ang gulo. Hindi ko rin kasi masyadong makita dahil inilalabas- pasok yung pahabang bagay sa butas. Biglan pa ngang bibilis at sandali pa’y babagal. Ayun! Tumigil na sila. Gusto lang palang pagdikitin ang mga ito. Mas kakapit ba ito kung gagawing mabilisan ang paglusot o mas mabagal?

Naalala ko tuloy ang leksyon sa paboritong Chemistry. May tawag sa ganun eh. Yung napagdidikit ang dalawang magkaibang bagay. Nagiging posible ito dahil sa mga puwang o butas sa isang bagay na maaaring pasukan o kapitan naman ng mga nakausling bahagi ng isa pang bagay. Ano na nga ba ang tawag doon? Ad.. Ah..?

“Tejano! Ano ang ginawa ng mga Hapon sa mga kababayan nating babae?” tanong ni ma’am.

Nananahimik na nga ako dito pero tinawatawag pa rin ako. Kailangan kong sumagot kahit na anong mangyari dahil mala-line of six ako sa recitation. Pero ni hindi ko naintindihan ang tanong. parang ang nasa isip ko lang ay kung ano nga bang tawag sa pagdidikit ng dalawang magkaibang bagay. Ano nga ba?

“Tejano! Sagot!” naninigaw na utos niya.

“ADHESION! Tama! Adhesion!” buong pagmamalaki kong sinambit.

Saturday, November 6, 2010

Doon sa Amin

Doon sa Amin

“Uungaaaa! Uungaaa!” walang patid kundi ang paghikbi habang umiiling ang ulo at nakatingin sa tubig -- tila nakikiusap.
“Uungaa…” Ito ang gumising sa buong isla – sigaw ng pinaghalong pakiusap, galit, pighati at pagsisisi. Lahat ay natigilan. Isa-isang naluha, ang iba ay hindi napigilang umiyak.
“Ina-a-a-a-y!” ang hagulgol ni Bulo. Nanghihina. Nagluluksa.
“Ina-a-a-a-a-a-y!” Nangngangalit.

Marahil isang beses sa isang buwan lamang sinuswerte ang mag-ina gaya ng umagang iyon – lalo na dahil tag-araw na naman. Masaya silang nakauna sa bahaging may pinakamakapal na damo. Sapat ang sinag ng araw at hindi salat sa tubig. Kaginhawaan. Nagtataka ang anak kung bakit hindi nagdadatingan ang mga ka-pampang upang makibahagi sa pagkaing naroon ngunit dali niyang binaling ang atensyon sa damong pinagpipiyestahan nilang mag-ina. Ito ang tagpuan ng tubig at lupa. Ito rin ang tagpuan ng mga kumakalam na mga sikmura. Ito na rin ang paraiso ng mga nais magpalamig sa gitna ng tagtuyot.
Isang pangkaraniwang umaga naman iyon para sa Hari. Ninanamnam ang init ng araw na pumapawi sa lamig ng tahanan. Maitim at may ilang batik ng berde ang balat ng Hari na kasingkulay ng mga naglulumot na bahagi ng tagpuan ng tubig at lupa. Pikit-mata at tahimik na lumulutang sa tubig sapagka’t walang kinatatakutan. Hindi niya kailangang gumalaw dahil may mga alipin ito na nagsisilbi para sa kaniya. Ni walang nakakasigurong humihinga pa siya dahil baka may alipin na rin siyang tagahinga.
Tuwang-tuwa ang mag-ina sa muling pagkabusog matapos ang isang buwang pagtitiis sa tira-tira ng mga ka-pampang. Kuntento na sila sa kaonting damo at pati ugat na may lupa ay laman-tiyan na rin. Ngayon ay walang kaagaw ang mag-ina at dighay na lamang ang pahinga ng bawat panginginain at pagnguya.
Tumataas na ang araw. Naisipan nilang magpalamig ng katawan. Batid nilang dalawa ang mga maaaring mangyari sa isa man sa kanila. Makapal ang damo doon dahil iilang kalabaw lamang ang naglalakas-loob na gumawi roon. Doon, bagaman at teritoryo ng mga kalabaw, naghahari pa rin si Haring Dapu.
Sa paniniguro ng ina ng kaligtasan ng anak, nauna siyang lumapit sa tubig. Unang inilusong ng inang kalabaw ang dalawang paa upang makiramdam. Tanging ang huni ng ibon ang naririnig at wala ni anumang senyales ng buwaya o kahit ng iba pang kalabaw. Tinawag ang anak at tuluyang inilusong ang apat na paa at tila umupo para malamigan ang katawan. Dali-dali namang sumunod ang anak na buung-buo ang tiwala sa inang hindi siya kailanman pinabayaan at inihain sa kapahamakan.
“Sshhhwshhwsh….”
Maliksing tumakbo si Bulo sa gulat at nagtago sa mga halamang siguro ay tatlong metro ang layo mula sa tubig. Hinihingal na sumilip sa gitna ng mga dahong pilit tumatakip sa eksena. Kumikinang ang gintong ngipin ni haring Dapu. Hiwa-hiwalay ang ngipin kaya’t kitang-kita ang pagkakabaon nito sa tiyan ng walang kalaban-laban ng inang kalabaw. Napapikit na lamang at nangatog ang tuhod ni Bulo sa paglapit ng Hari sa may bahaging lupa habang tila pakendeng-kendeng ang paggalaw ng buntot.  Sa tingin ni Bulo ay tatlo lamang ang bahagi ng katawan ng buwaya: una, ang bungangang sumasakmal sa kung ano mang magandang bagay ang magustuhan, hindi inaalintana ang mga karapatang masasagasaan. Pangalawa, ang tiyan na sinisiksikan ng anumang masunggaban; hindi na kailangang banggitin na ito ang pinakamalaking bahagi. At kasama na ang tila kalasag na balat na yari sa pinakamatitigas at pinakamodernong materyal upang masigurong hindi mananakaw ang mga inaalagaang yaman sa loob ng tiyan. Pangatlo, ang buntot na wala namang ibang silbi kung hindi mangutya at mang-asar sa kawalan ng mga inagawan. Kung susumahin, walang makitang puso at utak si Bulo sa katawan ng buwaya.
Tanging ang apat na paa at ang buntot ang natira at pira-pirasong laman ang nakakalat. Saglit na umahon ang buwaya sa lupa at kitang-kita ni Bulo ang anggulo ng bungangang lumapang sa buong ulo ng ina. Ilang tibok lamang ng puso at naiwan ang kulot na sungay ng ina sa pampang. Parang sumasayaw sa pagkendeng ng buntot si Haring Dapo na bumalik malamang sa kanyang malamig na tahanan.
“Uungaaa! Uungaa!” walang patid kundi ang paghikbi habang umiiling ang ulo at nakatingin sa tubig -- tila nakikiusap. Paanong pakikiusapan ni Bulo na itira man lang ang ulo upang pagluksaan?
“Uungaa…” Ito ang bumalot sa buong isla – sigaw ng pinaghalong pakiusap, galit, pighati at pagsisisi. Lahat ay natigilan. Isa-isang naluha, ang iba ay hindi napigilang umiyak.
“Ina-a-a-a-y!” ang hagulgol ni Bulo. Nanghihina. Nagluluksa. Inaayos ang mga natirang laman ng ina.
“Ina-a-a-a-a-a-y!” ang huling sigaw ni Bulo sa Silangang Pampang. Nagsimulang maglakad-lakad at tila hindi kilala ang mga nilampasang ka-pampang na hindi makatingin at hindi maituloy ang gawain. Kung kanina ay nanlulumo siya, ngayon ay tila pinalakas siya ng galit, poot at kawalan ng magagawa. Hindi malaman ni Bulo kung saan pupunta ngunit ayaw niyang tumigil sa pag-asang maibaling ang atensyon sa kung anuman. Hindi siya makawala sa sitwasyon.
Nasanay na rin naman siyang makipagluksa. Tatlong beses sa isang linggo, lagi-lagi, ang gayong karahasan. Sa bawat mahabang sigaw ng isang ka-pampang, isang halik lamang ng ina ang katapat upang hindi na siya matakot at maiyak. Ngunit hindi siya sanay magluksa at wala nang hahalik sa kaniya upang panatagin ang kalooban. Tanghaling-tapat ngunit hindi alintana ni Bulo ang init ng nilalakarang lupa na sinasalubong naman ng tirik na araw. Sanay siya sa ganoong sitwasyon. Bagaman at hindi siya sanay maglakad mag-isa at tumanggap ng pagluluksa ng kapwa.
Gusto niyang gumanti. Ngunit paanong gagantihan ng batang kalabaw na pinalaki sa damo at sa sikat ng araw ang haring protektado ng matigas na balat at gintong ngipin? Magmakaawa kayang itigil ang gayung karahasan? Paanong pakikiusapan ang mga naghahari na isipin ang kapakanan ng mga ka-pampanh? Paanong titibagin ang kaharian ni Dapu sa Castilla kung siya mismo ang nagtatakda ng batas? Paanong papalitan ang batas na alinsunod sa kagustuhan ng Hari?
Castilla ang tawag sa katubigan. Unang pinamunuan ni Haring Krokodilyo. Marami rin namang mga ibang lahi ang nakarating at sumaglit na nanirahan ngunit walang nagtagal dahil likas na malalakas ang mga buwaya at hindi kailanman natinag ang kaharian ni Haring Krokodilyo. Dumating ang mga kalabaw sa isla ilang taon pa lamang ang nakakalipas nang mamatay si Haring Krokodilyo. Parehong lumaki nang walang naipagkakait ang dalawang anak nito kaya walang gustong magbigay-daan pagdating sa kapangyarihan. Minabuting paghatian na lamang ang kaharian. Si Dapu ang naghari sa bahaging katabi ng Silangang Pampang; si Dapi naman sa tabi ng Kanlurang Pampang.
Teritoryo naman ng mga kalabaw ang pampang na katabi ng Castilla. Walang isang pinuno ang mga kalabaw ngunit ang mga matatanda sa kanila ang nirerespeto at nagsasaayos ng mga batas at sumusubaybay sa kapakanan ng bawat ka-isla. Ang batas ay ginawa mula sa pag-aaral sa pangangailangan ng bawat isa, hinaing ng bawat isa - dahil sa bawat isa; ginawa ng bawat isa; at ginawa para sa bawat isa. Kasabay ng pagkakaroon ng batas ay pagkakaroon ng karapatan ng bawat kalabaw. At kasama ang karapatan sa buong Pampang hanggang sa tagpuan ng lupa at tubig malapit sa Silangang Pampang na hindi kailanman naging bahagi ng Castilla dahil doon ang inuman ng mga naunang lahi na nagmay-ari sa Pampang.

            Hapung-hapo na ang batang katawan ni Bulo nang mamalayang damo na ang nilalakaran nito at hindi na lupang tuyot. Hinayaang bumagsak ang katawan sa tuhod at tuluyang ipinikit ang mata. Bahagyang ninakaw ng mahimbing na pagtulog ang poot na naramdaman ni Bulo sa buong araw.
            “Unga.” Isang hindi kilalang kalabaw ang nag-anyaya sa kanya upang simulan na ang panibagong araw. Habang naghahanap ng makakainan ang bagong magkaibigan ay nagkukwentuhan sila at nagkakakilala. Doon pa lamang namalayan ni Bulo na narating nito ang Kanlurang Pampang at doon nanumbalik ang mga pangyayari kahapon. Mabilis na kumain ang bagong magkaibigan dahil nangako si Mang Bulugan na ipapakilala niya ang bagong kaibigan sa mga ka-pampang. Inayang uminom ng matanda ang batang kalabaw nang takot na takot na tumanggi si Bulo sa paanyaya.
“Huwag kang mangamba, bata,” bumungisngis ng malakas na tawa ang matandang kalabaw, “Hindi ka niyan hahabulin tulad ng sa Hari niyo sa Kanluran.”
Ni hindi nagsalita o gumalaw si Bulo.
“Mabangis at walang awa din ang Hari namin dito. Siya si Haring Dapi, kapatid ng Haring Dapu. Ang kaibhan nga lang niya, andun lang siya. Hinihintay na lumapit ang pagkain. Kung maari, wala siyang gagawin kundi maghintay na lang ng makakain.”
Nakalubog lamang si Haring Dapi sa tubig. Nakalutang siya na para bang isang kahoy na may mga nakausling pako sa ibabaw. Nangingisim na mga mata at buntot na kasing haba ng katawan. Mas malaki siya kumpara sa Haring Dapu dahil hindi siya masyadong gumagalaw.  Palibhasa, mas bata kaya mas pinagbigyan ni Haring Krokodilyo kaysa kapatid nito. At hindi sanay makibaka upang maghanap ng pagkain katulad ni Haring Dapu.
“Ayon siya, Mang Bulugan!” natatakot na babala ni Bulo, “ pero… umiiyak ba siya?”
“Luha ng buwaya. ‘Yan ang patibong niya sa kapwa niya buwaya. Kunwari ay may dinaramdam at kunwari ay kaawa-awa. At pag nilapitan siya upang damayan, wala nang bukas para sa maawaing kaibigan.
“Kinakain niya pati kapwa niya?”
“Ganyan ang mga Buwaya. Nagkakagatan sila ng buntot. Sila-sila mismo ang nag-iiringan at nagpapaligsahan. At nagkakainan.” Mahinhing tumawa ang matanda. “Ang buwaya ay buwaya.”
Naikuwento ni Bulo ang nangyari sa ina. At kahit nag-aawitan ang mga ibon ay tila nanumbalik ang sakit sa pagkawala ng ina ni Bulo. Napailing lamang ang matanda - taliwas sa inaasam na pakikidalamhati at pakikiramay sa kanya.
Hindi nakapagsalita si Bulo at tila naguluhan sa reaksiyon ng kausap. Inunahan naman ni Mang Bulugan ang tanong ng batang kausap.
“Galing din ako sa Silangang Pampang. Pareho lang ang kinahinatnan ng mga ina natin. Galit na galit ako noon pero wala akong magawa. At siguro, kaya din ako nandito. Teritoryo talaga natin yung bahaging iyon. May mga napapadpad na buwaya pero hindi sila doon naglalagi. Marahil nagandahan si Haring Dapu sa puwesto dahil nga madaming mga kalabaw na nagpupunta pa rin doon sa kabila ng mga pangyayari. Natuto na si Haring Dapu kung saan may madaling pagkain. At hindi na natuto ang mga kapwa kong kalabaw.” Umiiling ang matanda. “Kasalanan natin, hindi ba?”
Hindi sumagot si Bulo.
“Kung gusto mong ipaglaban ang karapatan natin sa teritoryong iyon, ipupusta mo rin ang buhay mo sa gintong ngipin ni Haring Dapu. Ngunit hindi ka makasisigurong ang kabayanihan mo ay maiintindihan ng mga ka-pampang natin. Kung ayaw mo namang pagdaanan ang sinapit ng iyong ina, kailangan mo nang ipamigay ang teritoryong iyon kay Haring Dapu.”
“Tara na,” muling paanyaya ng matanda.
Hindi pa rin kumibo si Bulo.
“Kung hindi ka iinom, ikamamatay mo rin. Wala tayong ibang iinuman. Kailangan nating ipusta ang buhay natin araw-araw kundi lalong mapapaikli ng buhay natin.”

Monday, August 9, 2010

First blog

Hi there! I call this my "first blog" but it really does not talk ofa certain thing or whatever. This is my first post, i want to invite you to read my posts the following days! This blog anyway will be talking about us, Pinoys, as in everything about us. Negative, positive. Let's just consider it being "critical" of what some of us are doing! ü