Tuesday, February 8, 2011

Adhesion

Lunes na naman, Kasasaysayan na naman. Nandyan na naman si Bb. Cordero na pinaglumaan na ng panahon ngunit nananatili pa ring loner, este single pala. Mahilig siyang magpa-recite sa kung sinuman ang matripan niya—pwede kang matawag anumang minuto lalo na kung hilig mong makipagtitigan sa kanya. Ang masama nito, kapag hindi ka nakasagot, 65 agad. Mabait naman siya kung tutuusin dahil lagi niyang sinasabi na kahit mali pa yung sagot mo, bibigyan ka pa rin niya ng pasadong marka basta magpakita ka ng interes sa leksyon. Pero kung tutuusin, nababawi naman yang gradong yan dahil napapahiya ka sa klase, napagtatawanan, inaasarat sinasabihang tanga.

Ngayong araw, nakatakdang talakayin ng klase ang panahon ng pag-ukopa ng mga Hapon sa Pilipinas. Habang ang mga taong walang ginagawa sa buhay ay nagpipista sa siesta, narito kami pinag-uusapan ang mga sakang. Kailanman ay hindi ako naging interesado sa subject na Kasaysayan. Ewan ko ba, kung pwede sana ay Science na lang. Hindi naman sa natatakot akong mag-recite pero ewan, boring lang talaga siguro si Ms. Cordero. Idagdag mo pa ang init sa klasrum naming pinagdamutan ng bintana. Wala na ngang electric fan, wala pang maayos na bintana. Maswerte na nga ako dahil natapat sa akin ang kaisa-isang bintana na pinanggagalingan ng hangin, mabantot na hangin nga lang.

Trenta minutos na ding dumadaldal si Ms. Cordero at ako, kinakausap ang sarili. Wala akong naiintindihan sa leksyon at parang panahon na din para sa recitation, huwag naman sana dahil ayaw kong mapahiya ngayon. Kaya ang tanging paraan para di mapagdiskitahan, titingin na lang ako sa labas mula sa bintana.

Maliit lang ang bintana. Matatanaw mula dito ang mga bahay-bahayang pinagtagpi-tagpi. Malapit lang sila sa amin, isang ilog ng basura lang ang pagitan. Matagal na ring reklamo ng prinsipal namin kay Mayor ang “unhealthy environment for an academic setting.” Ilang ulit na silang pinapangakuang ililipat sila sa mas maayos na lugar...pero nandiyan pa rin sila.

Habang nakatingin sa mga kabahayan, umagaw ng aking atensyon ang bahay na may maliit na bintanang nakabukas. Hindi ko nga alam kung maliit na bintana ba yun o isa lamang malaking butas. May naaaninag akong dalawang bagay. Hindi ko nga lang matiyak kung ano sila. Patag yung isa at tila may butas habang ang isa ay pahabang bagay na ginagamit ata panungkit sa butas. Ang gulo. Hindi ko rin kasi masyadong makita dahil inilalabas- pasok yung pahabang bagay sa butas. Biglan pa ngang bibilis at sandali pa’y babagal. Ayun! Tumigil na sila. Gusto lang palang pagdikitin ang mga ito. Mas kakapit ba ito kung gagawing mabilisan ang paglusot o mas mabagal?

Naalala ko tuloy ang leksyon sa paboritong Chemistry. May tawag sa ganun eh. Yung napagdidikit ang dalawang magkaibang bagay. Nagiging posible ito dahil sa mga puwang o butas sa isang bagay na maaaring pasukan o kapitan naman ng mga nakausling bahagi ng isa pang bagay. Ano na nga ba ang tawag doon? Ad.. Ah..?

“Tejano! Ano ang ginawa ng mga Hapon sa mga kababayan nating babae?” tanong ni ma’am.

Nananahimik na nga ako dito pero tinawatawag pa rin ako. Kailangan kong sumagot kahit na anong mangyari dahil mala-line of six ako sa recitation. Pero ni hindi ko naintindihan ang tanong. parang ang nasa isip ko lang ay kung ano nga bang tawag sa pagdidikit ng dalawang magkaibang bagay. Ano nga ba?

“Tejano! Sagot!” naninigaw na utos niya.

“ADHESION! Tama! Adhesion!” buong pagmamalaki kong sinambit.